Archive | September, 2011

Tama na, Sobra na, Masyado ng masakit….

2 Sep

Tama na, Sobra na, Masyado ng masakit…. Ito ang aking sempatya sa mga anak ng Desaparecidos o ang mga biktima ng pagwala. Maaaring tayo ay hindi nakakapansin sa mga ganitong pangyayari sa ating paligid. Mga kabataang hindi naiisip ang kalagayan ng kapwa nya kabataan na hindi tiyak ang kinaroroonan ng magulang maging ama man o ina. Hindi sa kadahilanang ginusto ng magulang na umalis o mawala kundi sapilitang dinukot ng hindi nakikilalang pwersa kung ito ba ay kagagawan ng ahensya ng ating pamahalaan o ng ibang pwersa na may ibang hangarin.

Napakasakit para sa isang anak na lumaki ng hindi kasama ang kanyang ama o ina lalo pa’t ang kalinga ng isang magulang ang gagabay sa kanya sa mga hamon ng buhay habang sya’y lumalaki. Hindi mo nanaiisin na ang iyong magulang ay wala sa piling mo habang ika’y nabubuhay kung iisipin mas masakit pa ang pakiramdam ng isang anak na ang magulang ay biktima ng pagwala kumpara sa isang anak ng expat. Oo totoo masakit sa isang anak ng expat ang lumaki ng malayo ang magulang sa kadahilanang sya ay nagkukumahog magtrabaho sa ibang bayan upang magkaroon ng masaganang buhay ang kanyang pamilya sa Pinas. Subalit hindi na sana kailangang umalis pa ng bansa ang isang magulang upang maitaguyod ang kanyang pamilya kung ang ating bansa ay may sapat na kakayahan upang mabigyan ng trabahong magbibigay ng maayos na sahod sa isang magulang. Hindi isa itong patunay na ang ating pamahalaan ay wala pa ring maayos na plano para sa katuparan ng mga pangarap ng isang pamilya.

Sa parehong senaryo ang isang anak naman ng desaparecidos ay may higit na sakit na nararamdaman, maaaring poo’t at galit sa mga taong dumukot o may kinalaman sa pagkawala ng kanyang magulang. Kung hindi sya magagabayan maaaring ito ay magtanim ng mas malalim na galit sa kanyang puso. Ito ay isa sa mga hindi naiintindihan ng ating mambabatas, silang mga magulang o hindi man ay walang pakialam sa nararamdaman ng pamilya ng isang desaparisidos kaya’t gayon na lang hindi pa rin naisasabatas ang Anti Enforced Disappearance Bill.

Kung makikita sana ng mga nasa pamahalaan at mambabatas ang paghihirap na nararanasan ng isang pamilya ng biktima ng pagwala. Kung maririnig sana nila ang hinaing ng mga puso ng bawat bata na uhaw sa kalinga at pagmamahal ng kanilang nawawalang magulang. Kung mulat lang sana sila sa mga kahihinatnan ng mga kabataang ito na walang gumagabay sa kanilang paglaki. Kung naiisip sana nila ang hirap na dinadanas ng isang ina upang palakihin ng mag-isa ang kanyang mga anak at maging ina at ama ng sabay. Kung…. Kung… Kung…. Cong… Mga Cong at Senador kung kayo sana ay hindi nabubulag ng inyong mga pagnanasa sa kapangyarihan ay inyong maririnig ang bawat hiyaw, sigaw at hinagpis ng bawat pamilyang nakikipaglaban para sa katarungan ng kanilang mahal sa buhay.

Ikaw na ating pangulo na nangakong tayo ay lalakad sa tuwid na daan, tuparin mo sana ang iyong pangako at kung tunay nga na kami ang iyong boss, dinggin mo sana ang panawagan ng mga kabataang ito ay nawa’y pawiin ng kanilang mga pagnanasa at hinaing ang iyong puso at gabayan ka ng ating panginoon upang mabigyan ng katarungan ang mga pamilyang biktima ng pagwala ng kanilang mga mahal sa buhay, gayon din ang mga bilanggong politikal na patuloy na naghihirap sa piitan. Alam namin na marami kang gawain na mahalaga para sa pagpapaunlad ng ating bansa lahat ito ay mahalaga para sa bawat pamilya subalit kung sana kahit na nasa State visit ka sa China mayroong nakikinig sa hinaing ng mga pamilya ng Desaparisidos na tumakbo noong nakaraang martes upang bigyang kahulugan ang Agosto 30, bilang “Araw ng Desaparisidos” ay makikita mo na kahit hirap na tumakbo ang mga bata at matatanda na sumama dito ay bukal sa kanilang puso ang ganitong gawain upang sila o ang kanilang mga mahal na nawala ay mabigyan ng katarungan at huwag ng maulit pa ang ganitong sistema na patuloy na umiikot simula pa noong panahon ng Diktadoryang Marcos.

Tama na, Sobra na, Masyadong masakit na….